
SA hangaring tiyakin ang walang magaganap na karahasan sa nalalapit na Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), inilagay na sa heightened alert ng Philippine National Police (PNP) ang buong bansa.
Ayon kay PNP public information chief Col. Jean Fajardo, ipinag-utos na rin ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda ang pagpapakalat ng ng nasa 187,000 personnel para sa seguridad ng mga botante at kandidato.
Bukod sa halalan, pinaghahandaan din aniya ng PNP ang kaayusan para sa taunang paggunita ng Undas.
Aniya, nagbigay na rin ang hepe ng pambansang pulisya ng detalyadong direktiba sa mga field commanders hinggil sa pagpapatupad ng maximum tolerance sa mga kandidatong lalabag sa panuntunang inilatag ng Commission on Elections para sa halalang itinakda sa Oktubre 30.
Bantay sarado na rin sa kapulisan ang pagdadala ng P500,000 o higit pang cash sa layuning maiwasan ang pagbili ng boto.
Sa isang kasunduan sa pagitan ng PNP ang Department of Interior and Local Government (DILG), mas pinaigting na rin ang police visibility.