LUBOS ang pagkadismaya ng naulilang pamilya ng 17-anyos na si Jemboy Baltazar matapos hatulan lang ng apat na taong pagkakakulong sa bilangguan ang isa sa anim na pulis na una nang sinampahan ng kasong murder.
Sa inilabas na desisyon ng Navotas City Regional Trial Court Branch 286, napatunayang nagkasala sa kasong homicide si Police Staff Sergeant Gerry Maliban.
Guilty naman sa kasong pagpapaputok lang ng baril o illegal discharge of firearms ang ipinataw sa apat na dating pulis na si Police Executive Master Sergeant Roberto Balais Jr., Police Staff Sergeant Nikko Esquilon, Police Corporal Edmark Jake Blanco, at Patrolman Benedict Mangada.
Abswelto naman sa kaso ang isa pang akusado na si dating Police Staff Sergeant Antonio Bugayong.
Ayon sa korte hinatulan si Maliban matapos mapag-alamang baril niya ang nakapatay sa biktimang napagkamalan
Matapos ibaba ang hatol, nagpahayag ng pagkadismaya ang ina ni Baltazar na si Rodaliza – “Siya po apat na taon lang siya makukulong. Yung anak ko habang buhay na wala. Pinagtulong-tulungan nila yung anak ko barilin tapos ano? Ganon lang? Makakalaya lang sila,” hinanakit ni Rodaliza sa isang panayam.
“Sana maramdaman nila din yung nararamdaman ng pamilya ko ngayon na sobrang sakit na pagkawala ng anak ko. Sana sila rin,” aniyya pa.
Batay sa salaysay ng mga akusado, nagsasagawa di umano sila ng pagtugis laban sa isang suspek sa pamamaril nang mapagkamalan nila si Baltazar na noo’y nasa bangka at nakatakda na sanang mangisda.
Iginiit ng mga pulis sa affidavit na sa tubig lang sila nagpaputok at hindi nila intensyon na patamaan ang biktima na umano’y tumalon sa ilog. Nagtamo ng tama ng bala sa ulo at kamay si Baltazar.
