
SA hudyat ng pagtatapos ng pandemya, balik-saya ang taunang pagdiriwang na kalakip ng ipinagmamalaking International Bamboo Festival ng lungsod ng Las Piñas.
Ayon kay Sen. Cynthia Villar, patunay umano ng tagumpay ng selebrasyon ang pagdayo ng mahabang talaan ng mga dignitaryo mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo, kasabay ng pagkilala sa suportang iginawad ng mga bansang kinakatawan ng mga diplomatikong dumalo.
Kabilang sa mga pinasalamatan ng senador sina Israel Ambassador Ilan Fluss at Madame Gila Fluss (spouse), Austrian Ambassador Johann Brieger at Madame Roswitha Brieger (spouse), Swedish Ambassador Annika Thunborg at Mr. Aaron Tovish (spouse), French Ambassador Michèle Boccoz, Belgium Ambassador Michel Parys, Brazil Ambassador Antonio J.M. de Souza Silva, German Cultural Attache Kai Tomzig at Japan Deputy Chief of Mission Kenichi Matsuda.
Kinilala rin ng mambabatas na tubong Las Pinas si Msgr. Bobby Olaguer, Parish Priest ng Las Pinas’ St. Joseph Parish Church at Bamboo Organ Foundation Inc. sa kanyang walang pagod na pagtataguyod sa nakamamanghang taunang Bamboo Organ Festival.
Paglalarawan pa ni Villar, “captivating evening” ang Gala Concert ng 48th International Bamboo Organ Festival kung saan tampok ang mahuhusay na performers ng Baroque Music mula sa Europa at Latin America na sinabayan ng Las Piñas Bamboo Organ.
“This is a fine evening and we are happy to be here at St. Joseph Parish Church face-to-face with our esteemed festival organizers, performers, patrons, sponsors and guests for the Gala Night of the 48th International Bamboo Organ Festival,” ani Villar.
Ibinahagi rin niya ang tunay na pinagmulan ng ipinagmamalaking Bamboo Organ na may 900 pipes na lumilikha ng katangi-tanging himig.
Noong 2003, kinilala ang Las Pinas Bamboo organ bilang “National Cultural Treasure of the Philippines” dahil ito lamang aniya ang 19th century bamboo organ sa bansa na patuloy na nagbibigay ng magagandang musika.
“Established in 1975, the International Bamboo Organ Festival is an annual musical and cultural event held February every year in Las Piñas,” pahayag ng senador.
Tampok rin sa selebrasyon ang mga concerts at recitals ng classical at traditional music at Las Piñas Bamboo Organ, na masterpiece creation noong 1824 ng Spanish priest Fr. Diego de la Cera, ang unang Catholic parish priest ng syudad.