ISANG linggo bago ang banta ng tigil-pasada sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, nanawagan ang mga senador sa Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) na ipagpaliban muna ang isinusulong na phaseout sa mga traditional jeep na pumapasada sa lansangan.
Sa inihaing Senate Resolution 507, hinikayat ni Sen. Grace Poe ang pamahalaan na tugunan muna ang mga dulog ng mga operator at tsuper ng mga sasakyang higit na kilala bilang ‘hari ng kalsada.’
Partikular na tinukoy ni Poe ang kakayahan ng mga operator na maglabas ng P2 milyon para kumuha ng modern jeeps na ibinibida ng Department of Transportation (DOTR).
Pebrero 20 nang ilabas ng LTFRB ang Memorandum Circular 2023-013 na nagbibigay na lang hanggang Hunyo 30 sa mga operator at tsuper na sumapi sa kooperatiba o bumuo ng korporasyon bilang bahagi ng PUV Modernization Program.
Babala ng LTFRB, kanselado ang ‘certificate of public convenience’ sa mga hindi tatalima.
“I think that it is crucial that we hear this as soon as possible. Hopefully we can come up with a resolution so that the strike will not push through by Monday next week. It’s a national concern because we would like to abort the nationwide strike. June 30 is not a reasonable deadline,” ani Poe sa isang pahayag.
Sa panig ni Senate Minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel, kailangan aniyang pag-aralan muna maigi ang mga detalyeng kalakip ng financing plan para sa jeepney modernization.
Ayon naman kay Sen. Nancy Binay, “Yes, we need to modernize, but there should be comprehensive and concrete programs based on a just transition principally because transport is an essential sector.”
Panawagan ng mga senador sa DOTR, maglatag ng makatotohanang solusyon sa daing ng mga operator at drayber ng mga pampasaherong jeep.
Hindi bababa sa 1.2 milyong pasahero ang apektado sa inaasahang pagsipa ng isang linggong tigil pasada na ikinasa ng grupong Alliance of Concerned Transport Organizations, Manibela at Piston mula Marso 6 hanggang 12.
Samantala, nagpahayag ng kahandaan si Transportation Sec. Jaime Bautista sa nakaambang isang linggong tigil-pasada.
Aniya, nakikipag-ugnayan na ang kagawaran sa ibang ahensya ng pamahalaan para ipagamit ang mga sasakyan ng gobyerno para may masakyan ang mga pasahero sa mga nabanggit na petsa.
“For example, ang Coast Guard, meron kaming available na mga sasakyan. Other government agencies, MMDA, marami namang magsu-support sa atin,” ani Bautista.
“Pakikiusapan pa rin natin sila na ‘wag ituloy. Palagay ko pag nagkausap kami nang maayos, hindi matutuloy ‘yung strike.”