DIRETSO sa bilangguan ang dalawa sa apat na akusado sa kasong illegal detention na inihain ng aktor na si Vhong Navarro laban sa negosyanteng si Cedric Lee, nobyang Deniece Cornejo at dalawang iba pa.
Sa desisyon ng Taguig Regional Trial Court, napatunayang nagkasala ng walang bahid alinlangan si Lee, Cornejo, Ferdinand Guerrero, at Simeon Raz.
Gayunpaman, tanging si Cornejo at Raz lamang ang idineretso sa bilangguan dahil sila lang ang dumalo sa promulgation ng korte
Sa 94-pahinang desisyon ng korte, pinatawan ng parusang reclusion perpetua sina Lee, Cornejo, Guerrero at Raz nang ikulong at saktan si Navarro sa loob ng isang condo unit taong 2014.
“It is all too apparent that the accused planned and premeditated to restrain Vhong Navarro to extort money from him. Proof of their agreement is inferred from their conduct before, during, and after the commission of the crime,” saad sa isang bahagi ng desisyon ng Taguig RTC.
Ipinag-utos din ng korte ang agarang pagdakip kay Lee at Guerrero na kapwa hindi sumipot sa takdang araw ng paghuhukom.
Inatasan din ng korte ang mga sentensyado na bayaran si Navarro ng P300,000 para sa civil indemnity, moral at exemplary damages.
Wala sa paghuhukom ng korte ang aktor. Gayunpaman, lubos naman ang kagalakan ni Navarro sa naging pasya ng husgado, bahay sa isang pahayag na binasa ng kanyang abogado.
