PARA lubos na maunawaan ang suliranin sa sektor ng transportasyon, dapat maranasan ng mga opisyal ng pamahalaan ang hirap at dusa ng mga pasahero sa lansangan.
Sa isang direktiba, inobliga ni Transportation Secretary Giovanni Lopez ang mga opisyales ng Department of Transportation (DOTr) na sumakay sa mga pampublikong sasakyan patungo sa kani-kanilang tanggapan — isa o dalawang beses kada linggo.
Kabilang sa mga tinukoy na transportasyon ang dyip, bus, at mga tren ng LRT at MRT.
Sa gayung paraan aniya makakaisip ng mabisang solusyon ang mga opisyales sa naturang ahensya ng pamahalaan.
“Itong mga opisyal natin sa Road at Rail sector, sila talaga yung mga dapat lumalabas lagi kasi karamihan ng ating mga proyekto ay nasa mga sektor na ito,” ani Lopez.
Dagdag pa niya, “‘Yung mga ibang opisyal naman sa ibang sectors, hinihikayat din nating mag-commute dahil ito lang talaga yung paraan para makita at madama first hand kung ano ba ang hirap na nararanasan ng mga commuters.”
