Ni Lily Reyes
NAGDULOT ng pangamba sa mga residente sa isang bahagi ng Visayas Avenue sa Quezon City bunsod ng nakakasulasok na amoy na pinaniniwalaang dulot ng gas leak sa isang hindi kalayuan gasolinahan.
Matapos makatanggap ng tawag, agad na isinara at kinordonan ng Bureau of Fire Protection – Quezon City Bureau of Fire Protection (BFP) ang Power Fill gasoline station sa kahabaan ng Visayas Avenue kung saan natunton ang pinagmulan ng masangsang na amoy ng petrolyo.
Ayon sa mga residente, Linggo ng gabi nang dumanas sila ng pagkahilo bunsod ng nakakasulasok na amoy ng gasolina. Kinabukasan anila, mas tumindi pa ang singaw na nagdulot ng pagkabahala sa kanilang kalusugan at kaligtasan.
Target naman ng BFP ipasipsip muna ang petrolyong nakadeposito sa underground fuel tank ng nasabing gas station bago pa man simulan ang imbestigasyon ng Quezon City government, BFP at Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa naturang insidente.
Dahil sa insidente, nakaranas ng pagsisikip sa daloy ng trapiko papasok ng Visayas Ave., mula sa Elliptical Road bunsod ng pansamantalang pagsasara ng isang lane malapit sa lugar ng insidente.