Ni Romeo Allan Butuyan II
NAKATAKDANG magsagawa ng motu proprio investigation ang Kamara, sa pangunguna nina Deputy Majority Leader Rep. Erwin Tulfo (ACT-CIS partylist) at Sta. Rosa, Laguna Rep. Dan Fernandez laban sa National Bureau of Investigation (NBI).
Ito ay kasunod ng ginawang pag-aresto ng mga tauhan ng naturang ahensya sa isang 36-anyos na empleyado ng J&T Express delivery nitong Disyembre 1.
“Gusto nating wakasan ‘ang kultura natin na kapag ikaw ay otoridad o law enforcer at opisyal ng pamahalaan ay hindi na pwedeng kalabanin ng pangkaraniwang mamamayan kahit pa ang mga opisyal ang may kasalanan,” tigas na sabi ni Tulfo.
Personal na inimbita ni Tulfo sa kanyang programang Punto Asintado Reload sa radyo ang mga operatiba ng NBI-Intellectual Property Rights Division (IPRD) na sangkot sa pag-aresto kay Michael Bryan Gonzaga, sorter ng J&T Express.
Dumalo rin sa pulong nitong Miyerkules sa kanyang opisina sa House of Representatives sina Cong. Fernandez na tumatayong chairman ng House Committee on Public Order and Safety, ang biktima at ang pito pang mga arresting NBI agents na sina Special Investigator-IV Marvin Bernard Villardo, Special Investigator-IV Adjutor Larosa, Special Investigator III George Gabinete, Special Investigator III Valiant Raganit, Special Investigator III Rosauro Dantis, Senior Agent Ma. Aiza Arcega Quiambao, at Senior Agent Baden Francis Alonzo.
Sumipot din sa naturang paghaharap si NBI Assistant Director Vicente De Guzman.
Nag-ugat ang kaso matapos makatanggap ng reklamo si Tulfo ukol sa nasabing ilegal na pagdakip kay Gonzaga. Nabatid na nakaalitan ni Gonzaga dahil sa parking spot sa Barangay Apolonio Samson sa Quezon City ang isang Marvin Joseph Villardo na anak ng isa sa mga inireklamong NBI personnel.
Nang makita ni Villardo ang kanyang anak, agad itong rumesponde at nagbantang aarestuhin si Gonzaga.
“Naglabas siya ng baril at tinutukan niya ako,” kwento ni Gonzaga kina Tulfo at
Fernandez.
Tumugon naman ang mga operatiba ng barangay at agad dinala ang magkabilang panig sa kanilang opisina. Si Villardo naman tumawag ng responde sa kanyang mga kasamahan mula sa NBI-IPRD at umano’y pilit na kinuha si Gonzaga sa barangay.
Kinasuhan si Gonzaga ng direct assault at grave threat.
“Away barangay lang, pero pinwersa nilang kunin ang pobreng biktima sa barangay na wala man lang coordination sa barangay at yung biktima pa ang kinasuhan,” dismayadong pahayag ni Tulfo kung saan napag-alaman na nakulong si Gonzaga ng dalawang linggo sa NBI.
