WALANG katotohanan sa likod ng kumakalat na social media post hinggil sa di umano’y pagbabalik ng No-Contact Apprehension Policy (NCAP) sa National Capital Region.
Ayon mismo kay Metropolitan Manila Development Authority chairman Atty. Romando Artes, nananatiling suspendido ang NCAP na una nang tinabla ng Korte Suprema sa bisa ng Temporary Restraining Order (TRO) na inilabas Agosto ng nakalipas na taon.
Paalala ni Artes sa publiko, huwag maniwala sa kumakalat na fake news sa social media.
“Patuloy pong suspendido ang NCAP dahil may pending pong temporary restraining order or TRO ang Supreme Court laban dito, so hindi po naming pwedeng implement yan,” pahayag ni Artes sa isang panayam sa radyo.
“Wag po tayo maniwala, yan na po ay paulit-ulit na naming dini-deny. Nare-recycle po eh, lumabas na po yan a few months ago,” aniya, kasabay ng pasaring sa isang PR man na dating nasangkot sa kontrobersyal na Manila Bay Reclamation Project at sugar importation permit na ginagapang sa Kamara para sa kliyenteng kumpanya.
Pag-amin ni Artes, totoong bumibigat ang daloy ng trapiko sa Metro Manila bunsod ng patuloy na dumadami ang mga sasakyan sa rehiyon.
“Medyo bumibigat na po yung daloy ng traffic as the economy recovers, dumarami na rin po yung sasakyan…pero mas mabilis pa rin po nang konti.”