TARGET ng isang senador isalang sa imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) matapos pakawalan ang 16 na indibidwal na kabilang sa mga inabutan ng mga operatibang sumalakay sa KTV bar at hotel na umano’y sangkot sa bentahan ng laman.
Partikular na tinukoy ni Senador JV Ejercito ang isang Lawrence Tan na napag-alamang president ng Wack Wack Golf and Country Club na kabilang aniya sa 16 na pinakawalan — at hindi kinasuhan.
Sa resolusyon na inihain ni Ejercito na tumatayong chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs, target ng senador isalang ang NBI para sagutin bakit hindi kinasuhan ang ibang naabutan sa bar na pinaniniwalaang pag-aari ni former Anakalusugan partylist Rep. Mike Defensor.
“Conflicting accounts, including video footage already in circulation, make it imperative for the Senate to establish the facts under oath—who was present, how they were assessed, and why some were charged while others were not,” paliwanag ni Ejercito.
“This is not about targeting personalities. This is about ensuring that law enforcement agencies operate within the bounds of the law, free from undue influence, and guided solely by evidence,” dugtong ng mambabatas.
Una nang kinuwestyon ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang aniya’y pag rerelease ng NBI sa isang VIP customer na umano’y pinakawalan at hindi kasama sa kinasuhan. Tinukoy ng Ombudsman ang umano’y VIP na si Lawrence Tan.
Batay sa impormasyong ibinahagi ng NBI, 26 katao — kabilang ang asawa at anak ni Defensor – ang kinasuhan ng qualified trafficking at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.
“Oo, taga-Wack Wack. Presidente nga ng Wack Wack Golf and Country Club, sabi sa akin,” wika ni Remulla. “Hindi dinemanda ng NBI? Imbestigahan natin ang NBI.”
Samantala, sinagot ni NBI Director Melvin Matibag ang patutsada ni Remulla. Aniya, hindi ang negosyanteng si Lawrence Tan ang nakita sa video footage na nasa loob ng bar kundi isang Taiwanese na inaresto ng mga operatiba.
Gayunpaman, aminado si Matibag na may mga indibidwal na hindi kasama sa mga inaresto. Ang dahilan — umiinom lang sa naturang establisyemento, habang ang iba ay isinasailalim pa sa imbestigasyon.
Nauna nang itinanggi ng mag-asawang Defensor na sila ang nagmamay-ari ng sinalakay na Chicago Family KTV at Bleu Hotel sa Chicago Cliffpoint Square sa CW Home Depot compound sa Julia Vargas Avenue, Barangay Ugong, Pasig City.
