
TATLONG linggo matapos pagbigyan ng husgado ang petisyong habeas corpus inihain ng abogado ng isa sa mga akusadong nahaharap sa kasong plunder, binigyan na lang ng 15 araw ng Sandiganbayan ang dating chief of staff ni Presidential Chief Legal Counsel Juan Ponce Enrile para makapaglagak ng piyansa.
Sa pagpapatuloy ng pagdinig sa kasong plunder, hiniling ng Sandiganbayan 3rd Division sa akusadong si Atty. Gigi Reyes na magbayad ng P450,000 para sa 15 kasong katiwalian – bukod pa sa plunder kaugnay ng ma-anomalyang paggamit ng P172-milyong Priority Development Assistance Fund (PDAF) na nakalaan sa tanggapan ng noo’y Senador Juan Ponce Enrile.
“After a review of the records the court was surprised that accused Reyes has not yet submitted bail for these cases,” ayon kay Associate Justice Bernelito Fernandez.
Ani Fernandez, mayroon na lang 15 araw si Reyes na piyansahan ang 15 kasong graft kaugnay ng kontrobersyal na PDAF scam na sumingaw taong 2013.
Enero 19,2023 nang palayain ng Bureau of Corrections (BuCor) si Reyes.
Giit ni Atty. Levito Baligod, isa sa mga nagsampa ng kaso kaugnay ng PDAF scam, ang petisyon habeas corpus na iginawad ng Korte Suprema kay Reyes ay para lang sa plunder at hindi saklaw ang 15 counts ng graft.
“In legal circles, napag-usapan po namin ‘yan, bakit pinalabas ng Bureau of Corrections si Atty. Reyes na wala pa siyang bail doon sa 15 counts of graft, kaya po they were able to remedy it,” ani Baligod, kasabay ng pahiwatig sa planong paghahain ng kaso laban sa BuCor.
“Pwede ring may pananagutan ang management or ‘yung namamahala ng Bureau of Corrections, dahil ang saklaw lamang ng pagpapalaya kay Atty. Reyes ay ‘yung sa plunder, hindi po doon sa 15 counts of graft,” paliwanag pa niya.