Ni Lily Reyes
ARESTADO ang dalawang Indian nationals matapos holdapin ang sarili nilang kababayan na naniningil ng pautang sa Quezon City kamakalawa.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Holy Spirit Police Station (PS 14) chief, PLTCOL May Genio ang mga naarestong suspek na sina Dewinder Pal Singh Dhaliwal, 39; at Manjeet Singh Hansra, 41, kapwa residente ng Caloocan City.
Nakatakas naman ang isa pa nilang kasabwat na si Ranjodh Singh Bhullar. Napag-alaman na bandang alas-11:30 ng umaga kamakalawa nang maganap ang panghoholdap sa Airforce Road, Brgy. Holy Spirit, Quezon City.
Sakay umano ang mga biktima, na isa ring Indian national at ang kanyang stepmother, ng kanilang motorsiklo at naniningil ng mga pautang, nang harangin sila at holdapin ng tatlong suspek na pawang sakay din ng motorsiklo.
Hindi naman nasiraan ng loob ang mga biktima at binangga ang mga motorsiklo ng mga suspek at kaagad na nagsisigaw at humingi ng tulong na siya namang nakatawag ng pansin sa mga nagpapatrulyang tauhan ng PS 14 Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU).
Rumesponde ang mga pulis na nagresulta sa pagkakaaresto kay Dhaliwal.
Tinangka pang tumakas ni Hansra ngunit naaresto rin siya ng mga otoridad sa isang follow-up operation na isinagawa sa pakikipagtulungan sa District Special Operations Unit (DSOU), na pinamumunuan ni PMAJ Jun Fortunato, dakong alas-2:00 ng madaling araw kahapon, sa Zabarte Road corner Franville III, Brgy. Kaligayahan, Quezon City.
Narekober kay Dhaliwal ang isang revolver na may apat na bala at isang granada habang nabawi mula kay Hansra ang isang itim na Honda Click 125i; isang .45 caliber pistola na may anim na bala at isang rifle grenade na nadiskubre sa loob ng compartment ng motorsiklo.
Lumitaw sa imbestigasyon na ang dalawang dayuhan ay sangkot na rin sa iba pang insidente ng panghoholdap sa kanilang sariling kababayan.
Ang mga suspek ay mahaharap sa kasong robbery; paglabag sa Republic Act 10591 o The Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act; RA 9516 o The Illegal Possession of Explosives; at RA 11235 o Motorcycle Crime Prevention Act.