
BAHAGYANG napinsala ang siyam na bus matapos hagisan ng granada ng hindi pa natutukoy na salarin sa bayan ng Laurel sa lalawigan ng Batangas.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas 4:00 ng madaling araw nang bulabugin ng isang malakas na pagsabog ang Magnificat Transport Terminal sa Barangay Bugaan ng nasabing bayan.
Batay sa salaysay ng guwardiyang si Alberto Serrano, nagpapahinga di umano siya nang makarinig siya ng pagsabog sa loob ng terminal na binabantayan. Nang alamin ang nangyari, dito na tumambad ang basag-basag na salamin ng siyam na bus na nakaparada sa naturang pasilidad.
Mabilis na itinawag ni Serrano ang insidenteng agad naman aniyang nirespondehan ng lokal na pulisya. Walang nasaktan sa pagsabog.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng lokal na pulisya ng Laurel, Batangas sa hangaring matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng salarin.
Hindi naman isinasantabi ng mga imbestigador ang anggulong pangingikil ng mga nalalabing miyembro ng New People’s Army (NPA).