
Ni Lily Reyes
SINAMPAHAN na ng kasong murder ang pulis na nakapatay sa isang sinasabing tulak na umano’y nagbenta ng shabu sa loob ng resto bar sa Quezon City noong Martes ng umaga.
Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) Novaliches Police Station (PS4) chief, Lt. Col. Jerry Castillo, bukod sa sinampahan ng kasong murder si Patrolman Edwin Rivera, 26, nakatalaga sa Regional Mobile Force Battalion (RMFB), NCR, kinasuhan din ito ng illegal possession of firearms in relation to Omnibus Election Code for Gun ban.
Kasama sa sinampahan ng kaso ang dalawang kasama ng pulis na sina Joshua Balisalin at isang John Doe na ngayon ay patuloy na pinaghahanap ng mga otoridad.
Maggugunitang bandang 4:45 ng madaling araw noong Oktubre 3 nang maganap ang insidente sa harapan ng Spotlight Beer Bar and Cocktail Lounge sa kahabaan ng Sarmiento St., Brgy. Nova Proper, Novaliches.
Ayon kay PSSgt Lorenz Mapala, nasaksihan umano ng mga empleyado ng bar na sina Glendale Deguia at Louis Loto na biglang kwinelyuhan ng suspek ang biktimang si Chrismel Baldovino, 29, at sinigawan ng “BAKIT MO KO BINEBENTAHAN NG DROGA?!” at pagkatapos ay nagpakilala itong isang pulis sa mga crew ng bar.
Nagtangka pang pumiglas ang biktima sa mahigpit na pagkakahawak ng pulis hanggang sa magpambuno ang dalawa at kapwa sila natumba.
Nang makakuha pagkakataon. mabilis na tumakbo si Baldovino palabas ng bar subalit hinabol pa rin siya ng pulis at dalawang beses nitong pinaputukan ang biktima.
Agad na dinala ang biktima sa Novaliches District Hospital pero idineklara na itong dead on arrival ni Dr. Michelle Ruth Oracion, sanhi ng tinamong tama ng bala sa tiyan at likod.
Inaresto naman ng mga rumespondeng pulis mula sa Novaliches Police Station (PS4), ang suspek at kinumpiska sa kanya ang baril na inisyu ng PNP.
“Hindi namin kukunsintihin ang mga ganitong gawain ng pulis lalo na dito sa Quezon City. Mananatili kami sa tapat na pagtupad ng aming tungkulin na paglingkuran ang mga mamamayan,” pahayag ni QCPD Director, PBGEN Redrico Maranan.