TALIWAS sa giit ng dambuhalang kumpanyang nangangasiwa sa pangunahing paliparan sa bansa, hindi isang aksidente ang pagbagsak ng kisame sa sa arrival extension area ng Terminal 1 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong Biyernes Santo ng umaga.
Sa isang kalatas, hayagang tinuligsa ng grupong PUSO ng NAIA ang New NAIA Infra Corp. (NNIC) sa anila’y seryosong pangamba sa kaligtasan ng mga pasahero — kabilang ang pito kataong lubhang nasaktan sa naturang insidente.
Ayon sa PUSO ng NAIA, hindi dapat ituring na simpleng aksidente lamang ang pangyayaring senyales ng mas malalim na problema sa maintenance, inspeksyon, at pangkalahatang pamamahala ng paliparan.
Sinabi ni Romy Sauler, Head Secretariat ng PUSO ng NAIA, na may obligasyon ang mga operator at ahensya ng gobyerno na tiyakin ang pinakamataas na antas ng kaligtasan, lalo na’t patuloy na pinipiga ang mga biyahero ng sukdulang taas na bayarin sa ilalim ng programang modernisasyon.
Aniya, bagama’t ipinangako ang “world-class” na pasilidad sa ilalim ng kasunduan ng Department of Transportation (DOTr) at New NAIA Infra Corp. (NNIC), nananatiling kuwestyonable ang aktwal na kondisyon at kalidad ng serbisyo sa paliparan.
Tinukoy ng grupo ang ilang pangunahing isyu, kabilang ang umano’y kakulangan sa maayos na maintenance, kahinaan sa regulatory oversight, kawalan ng independent technical monitoring, at ang patuloy na pagpapasan ng dagdag na bayarin ng mga pasahero sa kabila ng hindi pa maayos na serbisyo.
Ipinahayag din ng PUSO ng NAIA ang pangamba sa paniningil ng mas mataas na airport fees kahit hindi pa ganap na ipinatutupad ang pangakong P170-bilyong puhunan, na anila’y dagdag pasanin sa mamamayan sa gitna ng tumataas na gastos sa pamumuhay.
Sa panig ng pamunuan, sinabi ni NNIC General Manager Lito Alvarez na agad na inasikaso ang mga nasugatan at kasalukuyang nasa maayos na kalagayan. Tiniyak din niya na patuloy ang pagbibigay ng tulong sa mga apektadong pasahero.
Samantala, inihayag ng DOTr na inatasan na ang Manila International Airport Authority (MIAA) na makipagtulungan sa NNIC upang magsagawa ng masusing imbestigasyon sa insidente, habang lumalakas ang panawagan para sa transparency, safety audit, at pananagutan ng kapwa pribadong operator at mga ahensya ng pamahalaan.
Mababatid na ang PUSO ng NAIA (Pagkakaisa ng User, Stakeholder, at Obrero ng NAIA) ay isang koalisyon ng mga aviation workers, labor groups, overseas Filipino workers (OFWs), at commuters na binuo upang tutulan ang pribatisasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at ang kaakibat na pagtaas ng bayad sa paliparan.
Kabilang sa malalaking grupong nakapaloob sa Puso ng NAIA ay ang National Confederation of Labor (NCL), Unified Pamilya OFW, Bukluran ng mga Manggagawang Pilipino (BMP), POLPhil, Socialista Pilipinas, SMPP, Pinoy Aksyon Inc., at Partido Lakas ng Masa (PLM).
