SA bisa lang ng isang boto, ganap na magiging kinatawan sa Kamara ng Marikina si Senate Minority Leader Aquilino Pimentel III matapos ibasura ng Commission on Elections (Comelec) ang kandidatura ni outgoing Mayor Marcy Teodoro para sa posisyon ng congressman ng unang distrito ng naturang lungsod.
Sa kalatas ng Comelec 1st Division, tuluyang diniskwalipika si Teodoro bunsod ng pagpapalit-palit ng distrito na hindi umayon sa itinakda ng batas para sa mga kandidato.
Ayon sa Section 78 ng Omnibus Election Code, ang isang kandidato sa House of Representatives ay kinakailangang residente ng distrito na kanyang kinakatawan nang hindi bababa sa isang taon bago ang araw ng halalan. Para sa eleksyon sa Mayo 12, 2025 dapat ay rehistrado at nakatira na si Teodoro sa Unang Distrito bago o noong Mayo 12, 2024.
Sa record ng Comelec si Teodoro ay Pebrero 26, 2024 lumipat ng rehistro mula sa Brgy. San Roque (Unang Distrito) patungong Brgy. Tumana (Ikalawang Distrito). Setyembre 26, 2024 ay muling nagpatala bilang botante sa Brgy. San Roque (Unang Distrito)—walong buwan lamang bago ang eleksyon, kulang sa itinakdang isang taon ng paninirahan.
“By declaring in his CoC the contrary, despite knowing fully well that he did not meet the minimum residency requirement, Respondent committed material misrepresentation which this Commission (1st Division) cannot countenance,” ayon sa pahayag ng Comelec 1st Division. (Edwin Moreno)
