
SINUSPINDE ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chair Don Artes si Task Force Special Operations Unit chief Bong Nebrija matapos kaladkarin ang pangalan ni Senador Bong Revilla di umano’y lumabag sa pagdaan sa Edsa Bus Lane, Miyerkules ng umaga.
Paglilinaw ni Artes, ang suspensyon na ipinataw kay Nebrija ay naglalayong bigyan-daan ang isang patas na imbestigasyon.
Nauna rito, sinabi ni Nebrija na pinahinto ng kanyang mga tauhan ang convoy ni Revilla nang dumaan sa exclusive lane para sa mga bus sa kahabaan ng Edsa, sa bahagi ng lungsod ng Mandaluyong.
Gayunman, pinadaan pa rin ang mga convoy nang malaman na sakay ang senador sa isa sa mga sasakyan na pinahinto.
Mahigpit naman itong itinanggi ni Revilla dahil hindi umano niya ruta ang daan galing ng Mandaluyong.
Humingi naman ng paumanhin si Artes at Nebrija sa senador.
Nagsimula nang taasan ng MMDA ang multa sa pagdaan sa Carousel bus lane.