PATAY ang 39-anyos na ama matapos pagbabarilin sa harap ng kaniyang misis at anak sa Quezon City, Miyerkules ng gabi.
Kinilala ang biktima na si alyas “Faisal,” 39, tubong Datu Udin Sinsuat Maguindanao Del Norte, at residente ng Herrera St., Barangay Marulas, Valenzuela City.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong alas-9:30 ng gabi nang mangyari ang pamamarili sa eskinita ng Cadena De Amor St., Barangay Central, sa nasabing lungsod.
Batay sa imbestigasyon ni P/SSg Ajay Paras, sinusundan umano ng misis na si alyas “Rizaly” at ng kanyang anak ang biktima habang patungo sa kanilang motorsiklo nang biglang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek si Faisal.
Sa takot, napatakbo si Rizaly kasama ang anak sa kanilang kamag-anak para sa kaligtasan.
Makalipas ang ilang minuto, nakita na lamang niyang nang nakahandusay ang duguang biktima sa tabi ng motorsiklo.
Agad na humingi ng tulong ang maybahay para agad na isugod ang biktima sa East Aenue Medical Center kung saan ay idineklarang itong dead on arrival sanhi ng tinamong apat na tama ng bala sa dibdib.
Dumating sa pinangyarihan ng krimen ang SOCO team mula sa QCPD Forensic Unit, sa pangunguna ni P/CMS Federico Manzano, at nasamsam ang tatlong basyo ng ‘di pa batid na kalibre ng baril, dalawang deformed fired bullets, at ang motorsiklo ng biktima.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa motibo ng pamamaril para sa posibleng pagkakakilanlan ng mga salarin.
