PERA na naging bato pa. Ito ang bulalas ng mag-asawang senior citizen matapos tangayin ng hindi pa nakikilalang mandurukot ang kinubrang pensyon sa sa Quezon City.
Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), napaniwala ang mag-asawang biktima sa alok na ayuda ng babaeng suspek na kagagaling pa lang sa tanggapan ng pamahalaan para kolektahin ang pensyon.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, nilapitan at inalok ng ayuda ng suspek ang mag-asawang agad namang nakumbinsi. Subalit habang sinusulatan ang “ayuda form,” pasimpleng dinukot ng suspek ang perang nakasilid sa eco-bag na bitbit ng mag-asawa.
Nang matapos sa pagsusulat sa application form ang mag-asawang kapwa 71-anyos, hindi na nakita ang babae. Dito na nagduda ang dalawang matandang agad na tinignan ang laman ng dala-dalang eco-bag.
Nanlumo naman ang mag-asawa makaraang nadiskubre na wala na ang pitakang naglalaman ng P6,000 na anim na buwan hinintay para pandagdag sa pambili ng pagkain at gamot ng anak na nakaratay sa malubhang karamdaman. (LILY REYES)
