Ni LILY REYES
SA halip na makarating sa destinasyon, kalaboso ang kinahantungan ng isang lalaki matapos mabuking sa bitbit na bala sa loob ng ng MRT Station sa EDSA, Quezon City kamakailan.
Kinilala ang suspek sa pangalang Presley Manahan Pebres, residente ng Barangay 178, Camarin, Caloocan City.
Sa ulat ng Kamuning Police Station 10 ng Quezon City Police District (QCPD), bandang 12:19 ng hapon nang mangyari ang insidente sa south bound side ng GMA-Kamuning MRT Station sa EDSA, malapit sa kanto ng Timog Avenue sa Barangay South Triangle, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ni P/CMS Wilmore Bataanon, nagsasagawa ng inspeksiyon ang MRT lady guard na si Mary Ann Labastida, nang makita nito ang mga bala ng .40 caliber pistol mula sa mga gamit ng suspek.
Agad na pinaaresto sa nakahiimpil na pulis ang pasahero nang walang maipakitang anumang dokumento at patunay na legal – kung hindi man awtorisado ang suspek na magbitbit ng bala.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag ng Republic Act 10591 nas mas kilala sa tawag na Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
