SWAK sa piitan ang isang mataas na opisyal ng Northern Police District (NPD) matapos mabistong naglabas ng presong nakapiit sa District Special Operations Unit (DSOU) noong Linggo.
Sa report ng National Capital Region Police Office (NCRPO), ang opisyal ay may ranggong lieutenant colonel at hepe ng isang unit.
Bandang alas-5:30 ng hapon noong Linggo (Oktubre 26), nagsagawa umano ng inspeksyon sa detention facility ng DSOU ang Region intelligence unit ng NCRPO upang alamin ang estado ng mga preso.
Laking gulat naman ng mga opisyal na bahagi ng inspection team ang pagkawala ng 43-anyos na construction worker na may kasong homicide.
Sa pakikipag-ugnayan sa duty jailer, inginuso ang opisyal na agad naman umamin na kasama niya sa labas ang nawawalang preso. Palusot ng koronel, ginagamit umano ang preso sa case build-up.
Dahil sa pangyayari inaresto ang opisyal alas 10:11 ng gabi sa mismong DSOU office, sa Caloocan City,.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Article 223 ng Revised Penal Code (Conniving with or Consenting to Evasion service of sentence) ang nasabing opisyal ng NPD. (LILY REYES)
