NI EDWIN MORENO
MATAPOS ang mahigit isang taon ng imbestigasyon, naglabas ng rekomendasyon ang Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) kaugnay ng bulilyasong pagsalakay ng mga operatiba ng Southern Police District (SPD) sa isang condominium unit sa Parañaque City.
Sa kalatas ng PNP-IAS, tinutulak ang pagsibak sa serbisyo ni former SPD Director Brig. Gen. Roderick Mariano.
Ayon sa IAS, tinulugan ni Mariano ang reklamo ng sumbong hinggil sa katiwalian ng mga operatiba ng distritong dating pinamumunuan.
Sa imbestigasyon ng IAS, lumalabas na akyat-bahay ang ginawang pagsalakay ng pulisya sa condo unit. Bukod sa pagnanakaw di umano ng P27 milyong cash, nagtanim pa ng ebidensya para magmukhang lehitimo ang pagpasok sa naturang condo unit sa Parañaque.
Bagamat tinangkang sirain ang CCTV, nagawang marekober ng IAS ang video footage na naging basehan ng rekomendasyon sa pagsibak kay Mariano.
Bago pa man lumabas ang rekomendasyon ng IAS, una nang tinanggal sa serbisyo ang 10 pulis na bahagi ng “police operation” na isinagawa noong buwan ng Setyembre ng nakalipas na taon.
Ayon kay PNP-IAS Inspector General Brigido Dulay, hindi na makukuha ni Mariano ang kanyang retirement benefits sa sandaling aprubahan ni PNP chief Gen. Rommel Marbil ang rekomendasyon ng IAS.
