KALABOSO ang 39-anyos na ginang matapos dakpin ng pulisya kaugnay ng umano’y pagpatay sa asawang dayuhan sa isang private resort sa Barangay Payumo sa bayan ng Dinalupihan, lalawigan ng Bataan.
Ayon kay Valenzuela City police chief Col. Nixon Cayaban, dinakip ang hindi pinangalanang suspek sa pinagtataguan bahay sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Dinalupihan, Bataan Regional Trial Court (RTC) para sa kasong murder.
Base sa rekord ng korte, Mayo ng nakalipas na taon nang paslangin ang Pakistani national na may-ari ng isang malaking private resort. Sa salaysay ng suspek sa mga imbestigador, dalawang armadong kalalakihan ang nagpanggap na costumer para makapasok sa resort.
Pagpasok ng resort, agad na bumunot ng baril at nagpaputok ang mga suspek. Gayunpaman, natuklasan sa pagsisiyasat ng pulisya na ang asawang Pinay mismo ng Pakistani ang nag-utos ipatumba ang dayuhang esposo.
Kabilang sa nakitang motibo ay ang interes ng suspek sa pera at ari-arian ng asawa.
