
NI LILY REYES
HINDI na halos makilala ang labi ng isang 70-anyos na lolo at apong menor de edad matapos sumiklab ang isang sunog sa Barangay Gulod sa Novaliches, Quezon City.
Batay sa ulat ng Quezon City Police District – Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nakilala ang matandang biktima sa pangalang Ernesto Macapagal at ang hindi tinukoy na menor de edad na apo.
Sa imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection – Quezon City (BFP-QC), dakong alas 4:30 ng hapon ng lamunin ng apoy ang bahay na tinutuluyan ni lolo Ernesto at apo sa kahabaan ng Kalye Tagumpay, sa Barangay Gulod.
Kwento ng mga saksi, mabilis na nagliyab ang bahay ng mga biktima sa kabila ng tulong-tulong na pag-apula ng mga bumbero at mga kapitbahay ni lolo Ernesto. Bandang alas 6:30 na ng gabi nang tuluyang maapula ang sunog na tumupok sa 10 kabahayan.
Sa isinagawang mopping up operation, tumambad ang mga natustang labi ng mga biktima.
Patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon para tukuyin ang sanhi ng sunog.