ARESTADO ang 21-anyos na Indian national matapos tangkaing sagasaan ang mga pulis na magsisilbi ng warrant of arrest para sa kasong Qualified Trafficking sa Quezon City.
Kinilala ang 21-anyos na suspek sa pangalang “Singh,” binata, at residente ng Silang St., NCE 1, Barangay. Batasan Hills, Quezon City.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 3:44 ng hapon noong Huwebes (Hunyo 5), nang maaresto ang suspek sa kahabaan ng Congressional Avenue sa nasabing lungsod.
Sa imbestigasyon ni Sarhento Erwin Jay Mendez, isisilbi sana ng pinagsanib na pwersa ng QCPD Police Station 16 Criminal Investigation Division (CID) at PNP Intelligence Group ang warrant of arrest na inilabas ni Bacoor City regional trial court Branch 116 Judge Persephone Mier Bambico Belena laban kay Singh para sa kasong Qualified Trafficking.
Nagkataon naman paparating pa lamang ng bahay ang akusado sakay ng kulay pulang Ford Territory kaya nang makita ng mga pulis ay agad isinilbi ang arrest warrant sa target. Pero sa halip na tanggapin, hinarurot pa ng suspek ang minamanehong sasakyan.
Agad na humarang sina PSSg Norman Borromeo at Pat. Jacky Manzano para pigilang makatakas ang akusado pero binilisan pa umano ni Singh ang pagmamaneho patungo sa direksyon ng mga pulis at tinangka pang sagasaan.
Alerto namang nakaiwas ang mga pulis at hinabol ang sasakyan ng akusado hanggang sa makorner sa Project 8, Quezon City.
Bukod sa Qualified Trafficking, nadagdagan pa ng Attempted Homicide at Disobedience to a Person in Authority ang kaso ng Indian national. (LILY REYES)
