Ni Lily Reyes
ARESTADO sa mga operatiba ng pulisya ang 21-anyos na rider na nahuli-cam sa aktong panggugulpi sa isang traffic enforcer kaugnay ng paglabag ng batas-trapiko nito lamang nakaraang Miyerkules sa Quezon City.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Novaliches Station chief Lt. Col. Jerry Castillo ang suspek na si James Vincent Ortega ng Upper Betel Whispering Palm Subdivision sa Caloocan City.
Kwento nina Jojo Amador at Aaron Canlas na kapwa nagtatrabaho bilang traffic enforcer ng Novaliches District Center, dakong alas 9:40 ng umaga noong Miyerkules nang sitahin ang suspek na sakay ng isang motorsiklo sa harap ng isang paaralan ng Barangay Novaliches Proper ng naturang lungsod.
Ayon sa mga biktima, kapwa walang suot na helmet ang suspek at ang hindi pinangalanang angkas na babae.
Pero sa halip na ibigay ang lisensya, nakipagtalo pa anila ang rider nang isyuhan ng ordinance violation citation receipt. Nang hindi pagbigyan, binugbog na ni Ortega ang isa sa dalawang traffic enforcers.
Agad na humingi ng tulong ang mga biktima sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya na agad naman rumesponde. Matapos ang tatlong minuto, bumalik ang mga pulis bitbit ang suspek.
Depensa ng suspek, unang nanakit ang mga traffic enforcers.
Kakasuhan si Ortega direct assault, resistance at disobedience upon an agent of person in authority sa Quezon City Prosecutor’s Office.
Samantala, binigay ng pagkilala naman ni QCPD chief Brig. Gen. Redrico Maranan ang Novaliches Police Station sa mabilis na pagtugon sa tawag ng saklolo.
“Ang mabilis na pag responde ng Police Station-4 personnel na humantong sa agarang pagdakip sa suspek ay patunay na ang Kyusi Pulis ay tunay na ang aksyon ay mabilis. Muli ang paalala ko sa ating mga kababayan, sundin ang batas trapiko para maiwasang maabala sa kalsada. Makipag cooperate po tayo sa mga nagpapatupad ng batas,” ani Maranan.