Ni Lily Reyes
SA bisa ng pahintulot ng husgado, ganap nang nakalabas sa piitan ang bruskong koronel na nagwala, nagpaputok ng baril at nanakit sa loob ng isang resto bar sa Quezon City kamakailan.
Paglilinaw ng Quezon City Regional Trial Court (QC-RTC) Branch 221, hindi pa abswelto si dating Quezon City Police District – Criminal Investigation and Detection Unit chief Lt. Col.Mark Julio Abong na nakalaya lamang matapos maglagak ng piyansa para sa patong-patong na kaso na isinampa ng mga kabaro.
Kabilang sa mga kinakaharap na kaso ni Abong ang ilegal na pagpaputok ng baril, paglabag sa umiiral na gun ban sa ilalim ng Omnibus Election Code, maltreatment at direct assault.
Samantala, tuluyan na rin inalis sa talaan ng mga pulis ang pangalan ni Abong matapos pagtibayin ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos ang 2022 dismissal order ng Quezon City People’s Law Enforcement Board (QC PLEB) kaugnay naman ng kasong hit-and-run na ikinasawi ng tricycle driver na si Joel Laroa.
Una na ring inatasan ni Abalos si Philippine National Police chief Gen. Benjamin Acorda, Jr., na maglabas ng dismissal order laban sa aniya’y kalawang na sumisira sa kapulisan.
Marso 2023 nang ilabas ng PLEB ang dismissal order kay Abong na napatunayang may sala sa mga ipinukol na kaso kabilang ang “grave offenses of misconduct, grave neglect of duty, at conduct of unbecoming a police officer.”
Ayon kay Abalos, wala silang nakikitang matibay na dahilan para iantala ang dismissal order laban kay Abong.
Samantala, ayon naman kay Quezon City Police District (QCPD) Director P/BGen. Redrico Maranan, taong 2019 pa nawalan ng bisa ang lisensya ng baril na ginamit ni Abong sa pagpapaputok sa resto bar.
Para sa QCPD chief, pasok si Abong sa kategorya ng tinawag niyang ‘recidivist’ dahil sa mga paulit-ulit na pagkakasangkot sa bulilyaso at pag-abuso.