MATAPOS yanigin ng kontrobersiya ang pahintulot na ibinigay ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa dalawang kumpanya para sa reclamation projects sa Manila Bay, target ng Kamara lumikha ng bagong ahensya.
“Meron tayong mandamus sa order sa Supreme Court na kailangan linisin lahat ng waterway at yung Manila Bay natin… kaso walang specific na authority na nag-aasikaso talaga kung sino talaga yung merong responsible for this,” pahayag ni Parañaque Rep. Edwin Olivarez na tumatayong chairman ng House committee on government enterprises and privatization, kasabay ng ocular inspection sa Manila Bay.
Partikular na tinukoy ni Olivares ang panukalang Manila Bay Development Authority (MBDA) na ang tanging mandato ay pangalagaan at protektahan ang laot ng higit na kilala sa nakabibighaning tanawin sa paglubog ng araw.
Sa ilalim ng MBDA, mandato ng ahensya lumikha ng master plan kung saan bahagi ng trabaho ang pagrerebisa sa Manila Bay reclamation projects at relokasyon ng mga apektadong pamilya.
Bibigyan rin aniya ng kapangyarihan ang MBDA kanselahin ang mga mapaminsalang proyekto.
Batay sa datos ng gobyerno, may lawak na 199,400 ektarya ang Manila Bay na bumabaybay sa walong lalawigan, 178 lokalidad at 5,714 barangay sa Central Luzon, Calabarzon at National Capital Region (NCR).
Taong 2019 nang simulan ang Manila Bay rehabilitation program sa bisa ng Writ of Mandamus na inilabas ng Korte Suprema noong 2008.
Mahigpit na tinututulan ng mga grupong makakalikasan at hanay ng mga mangingisda ang Manila Bay reclamation project na anila’y sumisira sa kalikasan bukod pa sa apektado ang kabuhayan ng daan libong pamilyang umaasa sa panghuhuli ng isda sa naturang laot.
