PARA sa mga lider ng simbahan, higit na angkop pairalin muna ang pagiging makatao sa panahon matinding kahirapan.
Sa pagninilay (homily) na kalakip ng banal na misa na dinaluhan ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang sektor, partikular na tinukoy ng mga alagad ng simbahang Katoliko ang dagdag-singil na ipinapatupad ng New NAIA Infrastructure Corporation (NNIC) sa pangunahing paliparan sa bansa — ang Ninoy Aquino International Airport.
Apela ng mga obispo – kabilang sina Bishop Ben Labor, Aldrin Lleva, at Agustino Tangca, isantabi ang implementasyon ng airport fee increase, kasabay ng panawagan para sa isang tunay at inklusibong konsultasyon sa hanay ng mga sektor na pasok sa “aviation industry.”
Anila hindi makatwiran ang ipinataw na dagdag-singil sa serbisyo at paggamit sa mga pasilidad sa paliparan.
“Abrupt implementation of new charges at NAIA without proper consultation undermines justice and burdens ordinary Filipinos, including OFWs who are already sacrificing much for their families,” saad sa isang bahagi ng pagninilay sa naturang misa.
“In this spirit of shared responsibility, institutions such as the NAIA airport should serve the welfare of passengers and workers, including the small businesses, and not just the interests of a few powerful corporations.”
“Blessed are those who protect the people’s welfare,” dagdag ng mga obispo, kasabay ng hiling sa Department of Transportation (DOTr) at sa pamunuan ng NNIC na buksan ang puso para sa isang dayalogo kasama ang kinatawan ng mga manggagawa, pasahero at iba pa.
Kinalampag rin ang Korte Suprema na maglabas ng “temporarily freeze order” laban sa “adjusted airport fees” hanggat walang linaw kung saan at ano ang basehan para sa ipinataw na dagdag-singil sa travel tax, parking fees, renta, at iba pa.
Samantala, tiniyak ng grupong PUSO ng NAIA na patuloy ang isasagawang pagkilos laban sa aniala’y mapaniil na polisiya ng bagong pangasiwaan ng paliparan.
Paglilinaw naman ni Romy Sauler na tumatayong head secretariat ng PUSO ng NAIA, higit pa sa pagbibigay-proteksyon sa mga pasahero ng eroplano ang pakikibaka. “It’s about upholding transparency, accountability, and fairness in the operations of the country’s premier airport.”
“We feel our cause has strengthened immensely with the moral support given by our church leaders today. We are praying that our government officials, including NNIC and its owner, Mr. Ramon Ang, would find it in their hearts to listen to our pleas,” dugtong ni Sauler. (ANGEL F. JOSE)
