SA lakas ng dagundong, inakala ng mga residente sa paligid ng ginagawang gusali Parañaque City na isang bomba ang sumabog matapos bahagyang masira ang istruktura sa Barangay Tambo ng naturang lungsod.
Ayon sa lokal na pulisya, sampu katao ang sugatan matapos pumutok ang water tank na nasa ibabaw ng gusali sa kahabaan ng Quirino Avenue.
Sa pagbagsak ng tangke, napinsala rin ang ilang bahagi ng gusali, habang wasak naman ang dalawang nakaparadang sasakyan hindi kalayuan sa lugar ng pinangyarihan.
Nagdulot din ng pansamantalang pagkaputol ng supply ng kuryente ang insidente matapos tamaan ng tumilapong bahagi ng water tank ang transformer sa poste ng Meralco.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang insidente.
