HABANG abala ang lahat sa pagtutok sa usapin ng illegal smuggling sa Senado at Kamara de Representantes, may ilang tiwali sa gobyerno ang tumatabo sa gamit ang mga importation permit mula sa Sugar Regulatory Administration (SRA).
Sa kalatas ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), partikular na tinukoy ang nabistong paglapag sa Port of Batangas ng 440,000 toneladang inangkat na asukal, isang linggo bago pa inilabas ng SRA ang Sugar Order No. 6 (SO6)
Paniwala ni KMP chairman emeritus at dating partylist Rep. Rafael Mariano, malinaw na pinagkakakitaan ng mga tiwali sa gobyerno ang legal importation.
“Mapait ang katotohanan na may mga opisyal ng gobyerno na nagsasabwatan at posibleng kumikita sa mga transaksyon ng importasyon at o smuggling,” ani Mariano.
Unang pumutok sa kontrobersiya matapos isiwalat ni Sen. Risa Hontiveros ang pagdaong ng isang barkong lulan ang nasa 260 dambuhalang containers na naglalaman ng refined white sugar mula sa bansang Thailand noong Pebrero 9 ng kasalukuyang taon.
Sa pagbubunyag ni Hontiveros, partikular niyang binanggit ang nagmamay-ari ng kargamento – ang All Asian Countertrade Inc.
Kinastigo rin ng KMP ang pagbubulag-bulagan ng BOC sa pagpasok ng kargamentong wala naman aniyang kalakip na permiso mula sa SRA – “Malinaw na smuggled yun. Wala naman kasing importation permit nung pumasok sa bansa.”
Gayunpaman, naging legal ang kargamento matapos ilabas ng SRA ang SO6 – sa kabila pa ng pagtutol ng mga apektadong magbubukid na bahagi ng sektor ng agrikultura.
“We believe that this is just the tip of the iceberg of the never-ending sugar mess involving high government officials,” ayon pa kay Mariano.
Giit pa ng militanteng lider-magsasaka na hindi lang sa smuggling tumatabo ng husto ang mga korap sa pamahalaan kundi maging sa legal importation.
“There is a very thin line between legal importation and smuggling. Kagaya rin sa bigas, iisa lang ang dinadaanan ng imported na asukal. At habang nasa barko ang mga shipment at naghihintay ng sanitary and phytosanitary certificates, ang mga smuggled na asukal ay pwedeng maging imported. Madali na lang palusutin lalo na’t magkasabwat ang DA at ang Bureau of Customs.”
………..