SA harap ng mga heads of state, business leaders at top experts, ipinagmalaki ni House Speaker Martin Romualdez ang patuloy na pagsisikap ng Pilipinas upang higit na maging ‘business-friendly’ ang bansang Pilipinas sa bisa ng mga batas at regulasyon sa pagnenegosyo.
Ginawa ni Romualdez ang pahayag sa isang breakfast interaction ng delegasyon ng Pilipinas sa 2025 World Economic Forum kasama ang top business executives sa Davos, Switzerland.
“Our desire is to stimulate national development that will build durable partnerships and attract foreign investment, particularly through continued legislative and regulatory reform,” wika ng lider ng Kamara.
“I wish to emphasize that a key objective of our engagement is to seek the private sector’s counsel and listen to your concerns,” dugtong niya.
Tinukoy ni Romualdez ang CREATE MORE (Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises to Maximize Opportunities for Reinvigorating the Economy) law, na nilagdaan ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Nobyembre ng nakaraang taon bilang bahagi ng reform agenda ng administrasyon.
Layon aniya ng naturang batas na pabilisin ang investment momentum sa bisa ng pinalawig na tax incentives, pagpapadali sa proseso ng pag-apruba sa pamumuhunan, pinagaan na panuntunan sa VAT at pagkakaroon ng targeted incentives sa mga strategic investments.
“The CREATE MORE law is a clear manifestation of a positive feedback loop, where the current administration has committed to significantly rationalize the investment framework and create a truly business-friendly investment climate,” ayon pa kay Romualdez.
Ipinapakita aniya nito ang diskarte ng Pilipinas pagdating sa mga polisiyang pang ekonomiyang inklusibo, adaptive, at nakasandig sa matibay na pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor.
Kumpara umano sa iba pang ekonomiya, sinusubukan ng Pilipinas na isulong nasyonalismong bukas at tumutugon sa global community.
Ipinagmalaki rin ng Leyte lawmaker ang matatag na takbo ng ekonomiya ng bansa kabilang ang naitalang 5.5% GDP noong 2023 at 5.8% na GDP sa unang siyam na buwan ng 2024 at ikalawa sa pinakamabilis na paglago sa ASEAN region.
Dagdag pa niya, nagawa ng Pilipinas na mapahupa ang inflation sa 3.2% noong 2024 na sumasalamin sa macroeconomic stability.
Sinamantala rin ni Romualdez ang okasyon para mailatag ang Maharlika Investment Corporation, ang kauna-unahang sovereign wealth fund ng bansa na isang makabagong hakbang para isulong ang pag-unlad at pagkuha ng mga pamumuhunan sa mga kritikal na sektor gaya ng seguridad sa kuryente, digital infrastructure, agro-urbanism, at tourism infrastructure.
“We are cognizant that we cannot go it alone, so for this reason, an important objective for the Fund’s future is to pursue co-investments with the private sector, including foreign investors,” ani Romualdez.
Nananatili aniyang sandigan ng economic agenda ng Pilipinas ang “sustainability,” kung saan mula nang pahintulutan ng pamahalaan noong 2022 ang mga dayuhan na mag may-ari ng proyekto sa renewable energy at ang pag-apruba ng 141 iba pa sa halagang USD 70 billion.
Nabigyan din aniya ng green lane access ang naturang mga proyekto na nagbigay bentahe sa Pilipinas na manguna sa energy transition at investments.
Kasabay naman ng paghahanda ng Pilipinas sa ASEAN Chairmanship sa 2026, inihayag ng lider ng Kamara ang positibong pagtaya sa hinaharap ng bansa.
“Manila was once the fulcrum of global commerce through the Manila-Acapulco Galleon trade, and in 2026, we hope to continue to be a ‘BRIDGE’ in Building Resilient, Inclusive, Digital, Green Economies for all our partners.”
“Rest assured, the government will continue its practice of multi-stakeholder engagement as we continue to adjust and refine our economic agenda,” pagtatapos ng lider-kongresista. (ROMEO ALLAN BUTUYAN II)
