PAGPAPALAYAS sa mga offshore gaming operators ang isa sa nakikitang dahilan ng isang grupo sa likod ng matumal na bentahan at maging pagpapaupa ng mga condominium units sa Metro Manila.
Ayon sa datos ng Colliers International Philippines, posibleng abutin pa ng mahigit sa walong taon bago mabenta o mapaupahan ang nasa 74,000 units ng condominium – mas mataas ng 77 porsyento kumpara sa tumal ng bentahan noong 2023.
Bukod sa POGO ban na idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Hulyo ng nakalipas na taon, pasok din sa dahilan ng mataas na bilang ng “condo vacancy” ang mataas na presyo ng pabahay at mortgage rates, mabagal na paglago ng ekonomiya, at mababang remittances mula sa mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.
Ayon pa sa naturang grupo, malaking bahagi ng mga nakabili o nangungupahan sa mga condo units ang mga Chinese nationals na konektado sa POGO.
Inaasahan din ng Colliers International Philippines ang mabilis na pagsadsad sa presyo ng mga condo units ngayong taon.
Samantala, naso-sold out naman ang mga mamahalin o high-end condo dahil limitado ang supply nito na kumakatawan lang sa 5% ng hindi nabentang inventory sa Metro Manila, dagdag pa ng Colliers.
