SA gitna ng kabi-kabilang batikos sa paggamit ng ayuda sa pamumulitika, binalaan ng Department of Social Welfare and Development ang mga kandidato laban sa pagsusumite ng talaan ng mga indibidwal sa anumang cash assistance program ng pamahalaan.
Paglilinaw ng DSWD, hindi kailanman ginamit na basehan ng kagawaran ang “referral” ng mga politiko higit lalo sa kontrobersyal na Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) na iniuugnay sa mga miyembro ng Kamara.
Ayon kay Assistant Secretary Irene Dumlao na tumatayong tagapagsalita ng DSWD, mahigpit na ipinatutupad ng departamento ang mga alituntunin sa mga cash assistance sa hangaring tiyakin mga tunay na nangangailangan lamang ang makakatanggap ng ayuda.
Una nang binatikos ang DSWD hinggil sa umano’y impluwensya ng mga politiko sa pagtukoy ng mga benepisyaryo sa programang ayuda ng gobyerno.
Paliwanag ni Dumlao, mahigpit na sinusuri ng mga social workers ang impormasyon ng mga aplikante sa programang ayuda ng gobyerno.
