HINDI hamak na mas mabilis na mareresolba ang kaso kaugnay sa pamamaslang kamakailan kay Negros Oriental Gov. Roel Degamo at siyam na iba pa, ayon kay Justice Secretary Juanito Remulla.
Gayunpaman, hindi direktang tinukoy ni Justice Sec. Crispin Remulla, ang pangalan ni Negros Oriental Rep. Arnulfo Teves na una nang inginuso ng dalawa sa apat na suspek na umamin ‘napag-utusan’ lang ng kanilang amo.
“Malamang i-file namin ang kaso ng mas mabilis pag may mga ganyan ng balita sapagkat nangangailangan na magkaron ng kalinawan ang mga ganitong pangyayari,” ani Remulla.
Higit na kilala si Degamo bilang kalabang mortal ng pamilyang Teves sa sa tuwing may halalan sa naturang lalawigan.
Paglilinaw ni Remulla, tatlo hanggang apat na masterminds ang nagkuntsabahan sa pagpatay kay Degamo, batay na rin aniya sa imbestigasyon ng Special Investigation Task Group Degamo.
“We are investigating anybody with possible culpability. We would not exempt anybody. We think three to four masterminds conspired to kill Gov. Degamo,” sambit ni Remulla sa isang panayam.
Nang tanungin kung paano mananagot ang isang pinaniniwalaang utak sa pamamaslang na nasa ibang bansa, ito ang tugon ng Kalihim – “Pinauuwi na siya kung talagang haharap siya sa mga ganitong usapin na siya ay tinuturo na maaring kasabwat sa mga nangyayaring karumal-dumal sa Negros Oriental.”
Bukod sa pagpatay kay Degamo, kaladkad rin ang pangalan ng kongresista sa 12 iba pang patayan sa Negros Oriental noong taong 2019.
Sa 12 pamamaslang, tatlo na ang isinampa kamakailan sa piskalya laban kay Teves at limang iba pa.