
ALINSUNOD sa direktiba ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., gawang Pinoy na modern jeep ang itutulak ng Department of Transportation (DOTR) sa isinusulong na PUV Modernization Program.
Pagtitiyak ni Transportation Secretary Jaime Bautista, pag-aaralan ng kanyang tanggapan ang mga mekanismong magbibigay-daan para pagsipa ng mga local jeepney manufacturers, kabilang ang Sarao at Francisco Motors.
Kapwa nagpahayag ng kahandaan ang Sarao at Francisco Motors na kapwa nagsumite ng iba’t-ibang disenyo ng mga ginagawang modern jeeps na pasok sa panuntunan ng PUV Modernization Program ng pamahalaan.
Para kay Bautista, malaking bentahe sa ekonomiya ng bansa kung magiging prayoridad ng gobyerno ang mga modern jeeps na gawang-Pinoy at hindi inangkat sa mga karatig bansa tulad ng China.
Bukod sa ekonomiya, kumbinsido rin ang Kalihim na makakatulong lumikha ng trabaho ang pagsipa ng local production ng mga modern jeeps.