
ANG dapat sana’y isang linggong transport strike, maagang tinuldukan ng mga transport groups matapos ang isang dayalogo sa Palasyo.
Ayon mismo kay Mar Valbuena na tumatayong pangulo ng grupong Manibela, inatasan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pahintulutan makabiyahe ang mga traditional jeeps na puntirya ng programang PUV Modernization.
Gayunpaman, kondisyon aniya ng Pangulo, kailangan mapatunayan ‘roadworthy’ pa rin ang mga traditional jeeps na pahihintulutan pumasada ‘beyond the December 31 deadline’ na itinakda ng LTFRB.
“Yung pronouncement po ni Pangulong Bongbong Marcos mag-I-stick sila roon, walang maiiwan at mananatiling hari ng kalsada , yun po ang resulta ng pag-uusap sa Malacanang kanina sa office po ng Executive Secretary,” ani Valbuena.
“Direktiba po ang ibinigay niya na kapag road worthy pa ito ay mananatili sa ating kalsada at hindi po dapat ito tanggalin,” dagdag pa ng lider ng grupo.
Kabilang rin sa ipinangako ni Marcos ang pagrerepaso sa isinusulong na PUV Modernization Program ng DOTR.
“Actually, tuloy pa rin po ang biyahe kahit umabot na sa deadline. Kailangan lang talagang I-revisit ang implementation ng PUVMP.”
Dagdag pa ni Valbuena, tiniyak mismo ng Pangulo na hindi na oobligahin ng gobyerno ang mga operators at tsuper ng mga traditional jeeps na sumapi sa mga kooperatiba o magbuo ng sariling korporasyon.
“Hindi na ipipilit ang pagsali sa kooperatiba dahil ‘yun din po ang napag-usapan namin sa meeting. Hindi na ipipilit at bibigyan laya, ‘yun din po ang ating kahilingan . Ang jeep kung maayos pa ay papayagan pa rin tumakbo sa kalsada. “
Kabilang sa mga dumalo sa naturang dayalogo si PISTON president Mody Floranda at Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil na minsang nanungkulan bilang LTFRB chairperson bago itinalagang PCO chief.