INAYUNAN ng pamahalaan ang Public-Private Partnership ng dalawang prominenteng negosyante at pamahalaang panlalawigan para sa pagtatayo ng panibagong paliparan sa Cavite.
Partikular na inaprubahan ng Philippine Competition Commission (PCC) ang joint venture ng Cavitex Holdings Inc. ni Manny V. Pangilinan, at House of Investments ng mga Yuchengco para sa P215.7-billion Sangley Point International Airport.
Gayunpaman, kailangan muna maglabas ng clearance ang PCC para umusad ang proyekto.
Kapansin-pansin na hindi EEI Corporation ang magsisilbing contractor ng naturang proyektong ipinasa ng consortium sa Samsung C&T.
Paglilinaw ng PCC, tatlong aspeto ang isinasaalang-alang sa joint venture: kompetisyon sa construction services, relasyon ng mga miyembro ng consortium at kapakanan ng mga konsyumer.
Bagamat ang EEI Corp. ay isang malaking construction company na pag-aari ng House of Investments, walang nakikitang banta ang PCC sa kompetisyon lalo pa’t ibang kontraktor ang kinuha para sa nasabing proyekto.
