MATAPOS lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalawig ng Service Contract 38 para sa karagdagang 15 taong operasyon sa Malampaya ng mga kumpanyang hawak nina Enrique Razon at Dennis Uy, biglang kumambyo ang Kalihim ng Department of Energy (DOE).
Ayon kay Energy Secretary Raphael Lotilla, huwag daw tayo masyadong umasang mabibigyang ssolusyon ang kapos na supply ng enerhiya.
Aniya, walang kasiguruhan na mabibigyan ng solusyon ng pinalawig na operasyon ng dalawang oligarko ang nakaambang krisis sa enerhiya.
“Insofar as finding oil and gas is concerned, there are no certainties so that’s why the risks are high,” ani Lotilla.
Sa ilalim ng pinalawig na SC 38, binigyang pahintulot ng gobyerno ang Prime Energy Resources ni Razon at Udenna Corp ni Uy na maghanap ng deposito ng natural gas sa karagatang sakop ng Malampaya gas field.
Batay sa datos ni dating Energy Undersecretary Eduardo Mañalac, tumataginting na P100 milyon kada araw ang malinis na kita nina Razon at Uy sa Malampaya – salaping dapat sana’y papasok sa gobyerno sa loob ng 15 taon kung hindi pinalawig ng Pangulo ang SC 38.
Sa simpleng pagtataya ni Mañalac, P3 bilyong kada buwan ang pinakawalan ng pamahalaan sa susunod na 15 taon – o katumbas na P540 bilyon, halagang sapat para tugunan ang suliranin sa kapos na pasilidad sa paaralan at pampublikong pagamutan.
Gayundin aniya ang katuparan ng pangakong pagpapaunlad sa mga sakahan.
Pasok din umano sa nasabing halaga ang mga imprastraktura at mga makabuluhang proyekto at programang sadyang kapaki-pakinabang sa mga Pilipino – hindi lang sa dalawang prominenteng oligarko at mga utak-sindikato sa loob mismo ng gobyerno.