
SA kabila ng mga pagtutol ng iba’t ibang sektor, itinuloy pa rin ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglagda sa kontrobersyal na Malampaya Service Contract no. 38 (SC 38) na nagpapalawig sa operasyon ng mga kumpanya nina Enrique Razon at Dennis Uy hanggang 2039.
Sa ilalim ng pinalawig na kontrata, binigyan ng karagdagang 15 taon ang Prime Infrastructure Capital Inc. ni Razon at Udenna Corp. ni Uy.
Sa datos ng Department of Energy (DOE), nagmumula sa Malampaya gas field ang 20% ng energy demand ng bansa.
Bukod sa produksyon, nakasaad sa SC 38 Consortium ang pagsasagawa ng ‘minimum work program’ – geological/ geophysical studies at ang drilling na sa pag-asang makakatuklas pa ng ibang pwedeng pagkunan ng natural gas.
Para sa DOE, malaking bentahe sa isinusulong na energy security ng pamahalaan ang pagkakaroon ng natural gas reserve sa Malampaya.
“As we renew Service Contract (SC) 38, we optimistically look forward to the continued production and utilization of the remaining reserves of the Malampaya gas field, as well as further exploration and development of its untapped potential,” ani Marcos.