
Ni LILY REYES
SA gitna ng lumalalang alitan sa pagitan ng Pilipinas at China, isang koalisyon ng 33 Filipino-Chinese business groups at civic organizations ang umapela para pahupain ang tensyon sa West Philippine Sea.
Sa pangunguna ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII), kinatigan ang diskarte ni Pangulong Ferdinand Marcos jr. – ang paglutas ng alitan sa mapayapang paraan.
“We endorse his desire for a peaceful resolution of the foregoing, to choose earnest dialogue, and pray for a de-escalation of tensions between our two countries,” saad sa sa isang bahagi ng pinag-isang pahayag kaugnay ng sunod-sunod na insidente sa teritoryong pinagtatalunan.
Anila, dapat isaalang-alang ng Pilipinas at China ang mga landas na magbibigay-daan sa kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng mga sibilyan sa mga nabanggit na bansa.
Partikular na tinukoy sa pahayag ng mga Tsinoy ang serye ng mga insidente sa West Philippine Sea, kabilang ang banggaan kung saan ang isang Pilipinong mandaragat ang nawalan ng daliri bunsod ng salpukan sa pagitan ng barko ng Chinese Coast Guard at sasakyang dagat na inatasang maghatid ng pagkain, tubig at gamot sa mga sundalong nakabantay sa sa Ayungin Shoal.
Una nang kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang presensya ng mga dambuhalang barko ng China malapit sa BRP Sierra Madre na nagsisilbing naval outpost ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Mungkahi ng mga Tsinoy, magtatag ng isang neutral at diplomatikong lugar para sa malayang talakayan.
“In these tumultuous times, with rising tensions in other parts of the world, let us not risk the unity that has prevailed in our Asian region for hundreds of years. As such, we implore both sides to refrain from actions or declarations that will only fuel the already precarious situation,” apela ng organisasyong binubuo ng mga negosyante at lider-sibiko.
Samantala, nagpahayag ng pagkabahala si FFCCCII president Cecilio Pedro sa posibleng epekto kung magpapatuloy ang tensyon sa West Philippine Sea. Aniya, apektado sa patuloy na tensyon ang mga negosyo pati na rin sa mga potensyal na mamumuhunan sa Pilipinas.
Batay sa mga datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), pumalo sa $10.86 bilyon (katumbas ng 14.8%) ang kabuuang outbound shipment ng Pilipinas sa nakalipas na taon – ikaapat na pinakamalaking export market ng Pilipinas.