PARA kay Senador Ronald dela Rosa, higit na angkop suportahan ng pamahalaan ang mga negosyanteng pasok sa kategorya ng micro, small and medium enterprises (MSME).
Pag-amin ni dela Rosa, mahihirapan ang mga MSMEs makabwelo – maliban na lang kung lilikha ang Department of Trade and Industry (DTI) ng zero-interest “small loan program.”
Sa deliberation ng senado sa panukalang budget ng kagawaran, partikular na nanawagan ang Mindanaoan legislator kay Trade Secretary Maria Cristina Roque na maging maagap sa mungkahing “small loan program” kesa ayuda.
Inihalimbawa ni dela Rosa ang paghihirap ng inang isang fish vendor na napipilitan pumatol sa tinaguriang 5-6 para magkaroon ng puhunan.
“Siguro kung ako ang maging secretary ng DTI, tutukan ko yon. Maghanap ako ng programang makatulong yung ganong paninda araw-araw kasi you can just imagine 5-6, uutang ka ng P5, at the end of the day bayaran mo ng P6,” wika ng senador.
“Baka kayo, gagawa ka ng programa na yan, pondohan natin dito sa Kongreso na makabigay ka kahit 5-5, walang interes, tapos mag deploy ka ng mga naka motor na mga tauhan mo, iikot doon sa mga palengke, magpapautang… para sa maliliit na negosyante, napakalaking bagay yan kung walang interes,” dugtong ng mambabatas.
Kumpiyansa rin si dela Rosa na mababawasan kung hindi man tuluyang mabubura ang tinatawag na “culture of mendicancy” o kasanayan sa paghingi na lamang ng tulong ng mga tao.
“This is no longer teaching them how to fish, this is helping them in their fishing venture. Yan ang maganda sanang programa kung matutukan mo. And I will be very happy.”
“I am urging you to do that kung mabigyan mo ng pansin. Maliit lang yan pero masaya yang mga tao na yan pag matulungan natin,” dagdag niya.
Si Dela Rosa ay una nang sinusuportahan hindi lamang ang security and public order-related bills, bagkus maging ang mga panukalang nagsusulong para mapabuti ang katayuan ng mga Pilipino.
Kabilang sa mga panukala ni dela Rosa ang P100 increase sa daily minimum wage at ang pagkakaloob ng direct financial assistance sa mga lokal na magsasaka. Si Dela Rosa ay bumoto rin pabor sa pag-apruba ng bagong nilagdaan na mga batas, ang pagbibigay proteksyon sa mga caregiver at ang pagkakaroon ng teaching supplies allowance ng mga guro sa pampublikong paaralan.
