
SA October 30, 2023 pa ang itinakdang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) matapos nga na hindi ito matuloy noong December 2022.
Sabi ng Commission on Elections (Comelec) ay handang handa na sila dito.
Malayo pa naman ang halalan, pero sadyang hindi maiwasan na magkaroon ng mga aspiranteng hindi na makapaghintay na tila ba atat na atat!
Atat na manatili pa sa puwesto at atat na palitan na ang mga nanunungkulan dahil sa hindi daw magandang serbisyong hatid sa mga mamamayan lalo na noong kainitan ng Covid-19.
Ito na raw kasi ang pagkakataon na makaresbak kay Chairman, Kapitan, Punong Barangay o anuman ang tawag nila sa ama ng kanilang barangay.
May mga nababalitaan din tayong nagsisimula nang maglabasan ng baho ang mga magiging magkatunggali.
Hmmmn.. hanggang sa barangay level mainit na rin pala ang agawan ng pwesto! Bakit kaya?
Sa pagkaantala ng BSKE noong huling buwan ng nakalipas na taon, maituturing daw na mahabang preparasyon at ‘kampanya’ na ang ginagawa ngayon ng mga aspirante! Kanya-kanyang pabango na ang mga atat! Sulutan na ng mga kakampi at solian na ng kandila ng mga magkukumpare!
Pero teka… May paalala ang Comelec sa mga tatakbo sa BSKE. Sa sandaling nakapagfile na ng Certificates of Candidacy (COC), pasok na sila sa kategorya ng kandidato.
Sa madaling salita, bawal na ang premature campaigning sa mga kandidato… maliban na lang kung game sila sa nakaambang kastigo — diskwalipikasyon sa paglahok sa BSKE, kung mapapatunayang totoo ang alegasyon.
Bagamat ngayon ay kabi-kabila na ang bumubulong – “iboto mo ako ha, tatakbo akong Kapitan,” “tatakbo akong Kagawad,” “tatakbo akong SK” – eh wala pa naman kayong official COC, maaaring lusot pa kayo sa Comelec.
Ang hindi nyo alam, kinikilatis na pala kayo ng inyong mga kababayan kung karapat-dapat nga ba kayong pagkatiwalaan ng boto!
Samantala, pumalo na sa mahigit dalawang milyon ang bilang ng mga bagong botante para sa BSKE.
Batay sa datos ng Comelec noong Enero 28, 2023, may naitala nang 2,076,491 at nadagdagan pa hanggang katapusan ng Enero kung saan kasama sa datos ang 1,243,822 bagong registrants na kinapapalooban ng 582,299 botanteng edad 15 hanggang 17-anyos.
Andun rin syempre ang 543,553 na pasok sa kategorya ng edad 18 hanggang 30-anyos at ang 117,970 kataong edad 31 pataas.
Ibig sabihin marami na namang umaasa ng mabuting pagbabago – kung salot ang nasa pwesto. Meron din naman mga tunay na lingkod-bayan na nais ipagpatuloy ang magandang serbisyo sa nasasakupang pamayanan.
Ang totoo, malaking bentahe ang kasanayan sa barangay at SK para sa mas mabigat na hamon sakaling maglevel-up ng posisyon sa gobyerno.
Pero kwidaw – mistulang training ground din ang barangay at SK para sa mga utak-sindikatong pakay lang sa pagtakbo ay ang pondo ng gobyerno.
INANGKUPO!