Ni Hernan Melencio
MARAMING natutuwa sa unti-unting pagdating ng kamalasan sa mga dating nagpahirap sa taumbayan, pumatay nang maramihan, sumira sa mga institusyong pambansa, at umabuso sa kapangyarihan. Pero bago tayo magtampisaw sa tuwa, alamin nating ang nakikitang mistulang “hustisya” e resulta ng bakbakan ng naghaharing uri at hindi bunga ng maramihang pagkilos ng mamamayan. Ibig sabihin, hindi ito matatag at maaasahan dahil pwedeng magbago ng isip ang mga nag-aaway at muling magbati depende sa ihip ng hangin.
Di ba sabi nga, “weder-weder lang ‘yan” at “bilog ang bola”?
Matagal na ring tagapanood lang ang mga mamamayan ng away ng mga trapo at hindi kasali sa mga pagbabago sa lipunan. Kung minsan, nakikinabang tayo sa banggaan nila, pero mas madalas na talo tayo, lalo na sa mga usaping malapit sa sikmura na sinasadya nilang kalimutan.
Sa ngayon medyo nakikinabang tayo dahil ‘yung mga kinaasaran nating mga red-tagger na pangisi-ngisi pa noon habang kinikidnap ng NTF-ELCAC ang mga aktibista, tinatakot, at pinapatay, e ginigisa ngayon sa Kongreso dahil sa pagpapakalat ng peyk nyus.
Walang mga tunay na peryodistang kumakampi at pumapatol sa panawagan nila tungkol sa “kalayaan sa pamamahayag.” Hindi naman ibig sabihin e meron tayong kalayaan sa pamamahayag; problema talaga ito, pero sa pagkakataong ito ginagamit ng mga taong walang kredibilidad ang isyu. Kaya pinagtatawanan sila.
Dahil mga bataan sila ng dating pangulo, asahang gagamiting nila ang natitirang makinarya at mga perang naibulsa para ituloy ang bantang mobilisasyon para sa kalayaan daw sa pamamahayag. Kahiyaan na e.
Habang pinanonood ko ang paggisa sa Bahay ng mga Kinatawan sa mga block timer daw ng SMNI at utos na pagpapakulong sa kanila, natutuwa ako at kinakabahan.
Natutuwa, dahil gaya ng madalas sabihin noon ng nanay ko, “Yukat ha im. (Buti nga sa iyo).” Malaki ang atraso nila sa bayan.
Pero kinakabahan, dahil paano kung mga tunay na peryodista ang nakasalang at ganun ang asal ng mga kakampi ng pinsan ng pangulo? At paano kung magkaroon ng iba pang isyu na sangkot ang mga kakampi ni Dayunyor sa Bahay at Senado, ito rin ba ang magiging asal nila?
Wala namang bago; ganito na ang kalakaran sa pulitika simula pa noong unang panahon. Hindi nagbago ito kahit noong napatalsik ang diktador na tatay ng pangulo ngayon. Tuwing may mahahalal na bagong pangulo, nagkakaroon ng super-duper na koalisyon ng mga kakampi ng pangulo. Naglilipatan ng partido ang walang prinsipyong trapo, kaya nagiging sobrang makapangyarihan ang presidente at nababalewala ang kalokohang tinatawag na check-and-balance.
Dagdag pa, ang presidente rin ang pumipili ng mga kasapi ng Korte Suprema, kaya lahat ng sangay ng gobyerno – ehekutibo, lehislatura, at hudikatura – e kontrolado niya.
Ang pag-asa na lang, kung hindi kikilos ang mga tao para palitan ang sistema, e maambunan tayo ng konting ganansya sa away ng mga makapangyarihan.
Unti-unting nangyayari ito sa pag-asim ng relasyon ng Unity team.
Gusto nang papasukin ng Kongreso ang International Criminal Court para habulin at litisin si Rody Duterte at mga amuyong niya sa mga krimen ginawa nila kaugnay ng bigong gyera sa droga. Kawawa sila kapag nagkataon. Ang anak niyang si Inday naman e pinagpapaliwanag sa 125 milyong pisong illegal na confidential fund na ginastos sa loob lang 11 araw.
Binabatikos din siya sa pakikialam sa usapang pangkapayapaan na pinasok ng gobyernong Dayunyor kasama ng CPP-NPA at sa pagpapabaya umano sa Department of Education kung saan siya ang kalihim. Kung saan-saang isyu nga kasi siya sumasawsaw sa halip na sa DepEd. Nangangamote ang mga batang Pinoy sa matematika, siyensya at pagbabasa ayon sa Program for International Student Assessment nitong nakaraang dalawang taon. Posibleng hindi niya kasalanan ang mababang iskor ng mga estudyante dahil bago pa lang siya sa departmento pero wala siyang ipinakikitang kakayahan para malunasan ito. May mga nananawagang magbitiw na lang siya at hayaang tunay na edukador ang pumalit sa kanya.
Hanggang saan kaya aabot ang sigalot ng mga siga? Nagpapakipot pa si Dayunyor tungkol sa pagpasok ng ICC sa bansa pero una nang sinabi ng Korte Suprema na may obligasyon ang Pilipinas na sumunod sa ICC para sa mga kasong naganap nung kasali pa ang Pilipinas sa ICC.