
ARESTADO ng awtoridad ang dalawang carnapper sa Mercedes Homes Subdivision, Barangay San Isidro Norte, City of Santo Tomas, Batangas, noong Disyembre 8.
Kinilala ni Regional Highway Patrol Unit 4-A regional officer Police Col. Rommel Estolano ang mga suspect na sina Roberto Baliguat, 28, at Leonardo Dayo, 35, ng Barangay San Isidro Norte.
Inaresto ang mga ito bunsod ng reklamo ng mga biktimang sina Ryan Ballesteros and Catherine Rose Colo.
Ayon sa mga biktima, tinakot at tinutukan sila ng baril ng mga suspect bandang alas3:40 ng madaling araw noong Disyembre 8. Isang followup operation ang isinagawa at agad nadakip ang mga suspect.
Sumuko naman ang mga ito at nabawi ang isang Nissan Urvan (VAA-3574) at Toyota Hi-Ace (NDX-3642), dalawang 9mm caliber Taurus pistols, isang 45 caliber Armscor, 79 mga bala, cell phone, mga susi at iba’t ibang plaka gayundin ang 10 pekeng Certificates of Registration (COR).
Sangkot din umano ang mga suspect sa rent-a-car scam.