MATAGAL nang tiniis ng mga taga EMBO ang hirap mula nang isara ang mga pampublikong pasilidad na kanilang ginagamit, mga pasilidad na itinayo gamit ang buwis ng mga tao.
Sa mga panahong naka-kandado, ang mga pasilidad na takbuhan ng mga residenteng kapos at walang masulingan, unti-unting kinakitaan ng pagkasira. Pero sa halip na panghinayangan, pinili ng mga opisyal na sumumpang paglilingkuran ang mga mamamayan, na gamitin sa diskursong politikal ang mga health centers, daycare, bulwagan, pasyalan… ultimo palaruan ng mga kabataan.
Sa isang banda, tama rin naman… hangga’t sarado ang mga pampublikong pasilidad, may libre silang publisidad, sa kabila pa ng kapasyahan ng Korte Suprema kaugnay ng hidwaan sa pagitan ng mga lungsod ng Makati at Taguig.
Ang mayor ng Makati na dating nakakasakop sa EMBO, tila enjoy habang pinapanood ang balita kung saan siya ang bida.
Buti na lang at hindi lahat ay nag bulag-bulagan. Salamat at kumilos ang lungsod ng Taguig. Salamat at hindi nila iniwan ang mga taga-EMBO. Salamat sa aksyon ni Mayor Lani Cayetano.
Sa kabila ng limitadong espasyo at paggamit ng mga pansamantalang mga gusali, hindi nila pinabayaan ang mga residente ng bawat barangay.
Samantala, isang magandang balita ang bumulaga sa mga mamamayan mula sa 10 barangay sa EMBO — inilipat na ng korte sa lungsod ng Taguig ang pamamahala sa mga gusaling iniwan ng Makati.
Sa wakas, bumawi ang hustisya. Ipinanalo ng Taguig ang karapatan ng taumbayan na siyang tunay na may-ari ng serbisyong pampubliko.
At sa wakas din, natabla na ang iringan sa pulitika dahil sa kabila ng pagsubok, itinuloy ng Taguig ang tama.
