KUNG pagbabatayan ang umiiral na pamantayan ng kaligtasan sa Europa, pihadong pasok ang mga Pinoy sa pagdating sa husay at abilidad bilang marino, ayon kay Sen. Grace Poe.
Gayunpaman, nanganganib na ma-estsapwera ang daan libong marinong Pinoy dahil bantulot ang gobyerno sa panawagan ng European Maritime Safety Agency (EMSA) na bigyan ng sapat at angkop na kasanayan ang mga Filipino seafarers.
Mungkahi ng Senate Committee on Public Services chairman, pantayan – kung hindi man kayang lampasan ang panuntunan ng (EMSA), kasabay ng giit na European Maritime Safety Agency.
Partikular na tinukoy ni Poe ang aniya’y mabagal at matabang na pagtanggap ng Pilipinas sa iginawad na pagkakataon ng EMSA sa Pilipinas kaugnay ng mga angkop ng sertipikasyon.
Para sa beteranong mambabatas, lubhang mahalaga sa kaligtasan ng mga pasahero at maging ang mga tripulanteng lulan ng sasakyang-dagat ang pagkilala ng European Union sa sertipikong tanging daan para makasampa at makapag hanapbuhay sa barko ang mga marinong Pinoy.
Aniya, hindi dapat mawalan ng trabaho ang marino sa gitna ng magulong yugto ng pandaigdigang ekonomiya.
“Habang nananatiling pinipili ng EU region ang Pilipinong marino, dapat tumugon tayo sa patuloy na skills training upang lumakas ang kakayahan ng ating manggagawa,” ayon kay Poe.
“Dapat paigtingin ng gobyerno at pribadong sektor ang pagkilos upang gamitin ang panahong binigay ng EU upang mapalakas ang pagsasanay at seryosong tugunan ang isyung pinalutang ng European Maritime Safety Agency,” paliwanag ni Poe.
“Matitiyak ang kaligtasan ng manlalakbay at kinabukasan ng maraming pamilya ng marinong Filipino sa kalidad ng ating maritime education,” patapos ng mambabatas.
Kasabay nito, nagalak naman si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa patuloy na pagkilala ng European Commission sa sertipiko na ibinigay sa marinong Pinoy – kabilang ang 50,000 seamen at iba pang hanapbuhay na pasok sa maritime sektor.
“We have been issuing a warning about the matter since we were first given notice and we thank the Maritime Industry Authority (MARINA) for heeding our call and for their serious efforts in ensuring that we are compliant with the International Convention on Standards of Training, Certification and Watchkeeping for Seafarers (STCW),” giit ni Villanueva.
“We trust that the country’s maritime authorities will continue to enhance efforts to improve our compliance with the STCW Convention.”