MULING bubuksan ng International Criminal Court (ICC) ang imbestigasyon sa madugong drug war na ipinatupad ng dating administrasyong Duterte na pumatay sa libu-libong katao.
Inaasahan na natin na papalag ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang ‘mapusyaw’ na pagtutol ng gobyernong Marcos Jr. sa pinakabagong development sa isyu ng crimes against humanity due to murder sa ICC laban sa dating presidente at kanyang mga alipores.
Katuwiran nila, ang Pilipinas ay hindi na miyembro ng Rome Statute na nagtatag ng ICC mula pa noong Marso 2019.
Pero ang sabi ng ICC, puwede nilang siyasatin ang mga patayang naganap sa Duterte drug war habang kasapi pa ng Rome Statute ang Pilipinas dahil walang indikasyon na sapat ang ginagawng hakbang ng pamahalaan para makombinse ang ICC na gumugulong ang hustisya para sa libu-libong naging biktima nito.
Inihayag na noon pa ni dating ICC Judge Raul Pangalangan na kahit hindi makipagtulungan si Duterte at kanyang mga kapwa akusado gaya ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa , puwede pa rin ilarga ang imbestigasyon laban sa kanila.
Hindi naman kailangan ang pisikal na presensya nila dahil nagsasagawa naman ang ICC ng digitalopen source investigations o paggamit ng social media evidence bilang dagdag sa online meetings sa international criminal prosecution.
Ang Artikulo 127 ng Rome Statute ay nagbibigay ng patuloy na hurisdiksyon at pakikipagtulungan mula sa mga estado kapag ang kanilang mga mamamayan ay dinala sa ICC.
Ani Pangalangan, ang mga testigo ay maaari rin ilipat sa The Hague at ang mga tagausig ng ICC ay pinapayagan na magsagawa ng mga panayam online batay sa ilang mga pangyayari.
“Ang mga saksi ay pinalipad sa The Hague para tumestigo, dahil kinikilala ng korte na ang hustisyang kriminal ay hindi maaaring sumulong nang walang ebidensya. Ang mga saksi ay kailangang-kailangan sa prosesong iyon, maging saksi man ito para sa depensa o sa prosekusyon,” sabi ni Pangalangan. “Mayroon ding online na mekanismo kung saan kinukunan ang testimonya sa video kung ito ay mas ligtas para sa kanila, kung hindi sila available kung hindi man, at iba pang mga dahilan na maaaring matukoy. Ang mga ito ay pinahihintulutan,” dagdag niya.
Maging ang public statements aniya, kasama ang mga pahayag mula sa social media ay maaari rin magamit bilang ebidensya upang suriin kung anong mga katotohanan ang magpapatunay sa mga elemento ng krimen.
Matatandaan si Al Werfalli, isang Libyan military general, na akusado ng war crimes na isinailalim sa open source investigation at inisyuhan ng warrant of arrest ng ICC kahit hindi nakipagtulungan sa pagsisiyasat noong Agosto 2017. Mahigit apat na taon siyang itinuring na wanted criminal ng ICC, nakaiwas sa bilangguan ngunit nasawi nang tambangan sa Libya noong Marso 2021. Walang ibang mapagpipilian si Duterte at kanyang mga alipores kundi magdasal sa kanilang diyos at hilingin na huwag papapasukin ni Marcos Jr. sa bansa ang arresting team ng ICC na magpoposas sa kanila.