HINDI na bago ang katiwalian sa gobyerno – gayundin ang pamamayagpag ng mga abusado. Speaking of abusado, bigla kong naalala si Paulino Elevado na dating clerk ng isang kawanihang puntirya naman ngayon ng isang bagitong kongresista.
Sa pagdinig ng Kamara sa isyu hinggil sa agri-smuggling, lumutang ang panawagang lifestyle check sa mga opisyales at kawani ng BOC at Department of Agriculture.
Ani Rep, Ray Reyes ng Anakalusugan partylist group, kapansin-pansin ang biglang asensso ng mga opisyales at empleyado ng mga naturang tanggapan ng gobyerno. Sa isang banda, may punto ang bagitong kongresista.
Pero mas lamang ang pagiging epal. Dangan naman kasi, walang bayag para banggitin ang pangalan ng kanyang pinapatutsadahan.
Totoong takaw intriga kung hindi man mainit sa mata ang pagkakaroon ng mga mamahalin at magarang sasakyan sa hanay ng mga opisyales at kawani ng pamahalaan.
Pero sa kabila ng nakaambang duda sa matalas at mapanuring mata ng publiko, marami pa rin ang nagyayabang – magarang kotse, mala-palasyong tahanan, malawak na lupain sa iba’t ibang lalawigan, bonggang handaan, alahas, bogang nakasukbit sa baywang.
Ang totoo, walang anumang batas na nagbabawal sa mga opisyales at kawani ng mga nasabing ahensya na bumili ng kanilang gusto kung kaya rin naman ng kanilang bulsa.
Pero sa gitna ng kontrobersiya hinggil sa sabwatan sa pagitan ng mga agri-smugglers at ng mga nasabing ahensya, tila hindi akmang ipakita pa ang “bunga ng kanilang ganansya”– kotse, mansyon, alahas at iba pang simbolo ng biglang pag-asenso.
Ang masaklap, hindi sapat ang lifestyle check na giit ng bagitong kongresista. Ang mga taong gobyerno makikitaan ng biglang asenso, susundan lang ang yapak ni Elevado na nagbitiw agad para makaiwas sa kasong administratibo.
Hindi na rin niya hinabol ang benepisyo dahil barya lang naman yun kumpara sa yamang mula sa dorobo.
Ang kasong isinampa laban sa kanya ng estudyanteng binugbog at tinutukan ng baril matapos masagi ang minamanehong Porsche (nagkakahalaga ng tumataginting na P5 milyon noong 2011) sa South Luzon Expressway 11 taon na ang nakalipas, posibleng naareglo na rin ng damuho.
Sa ilalim ng lifestyle check, karaniwang sinisilip ang mga pag-aaring nakapangalan sa iniimbestigahang taong gobyerno.
Pero paano kung hindi nakapangalan sa kanila ang magarang kotseng sinisilip ng kongresista? Paano kung ikatwiran din ang alibi ni Elevado – na sila’y nag-aahente lang ng oto.