MUKHANG nai-enjoy talaga ng mga ‘marites’ ang manirahan sa ating bansa. Bakit ba naman hindi? Eh halos walang nakakapigil sa kanilang mga dila at malayang naipapahayag ang mga nais nilang pag-usapan.
Maging ang survey ay pumapanig din sa mga ‘komentarista’ lalo na at napakatalamak ngayon ng social media.
Batay sa pag-aaral na isinagawa ng Social Weather Station (SWS) para sa huling tatlong buwan ng nakalipas na taon, nakapagtala ng record-high rating kung saan lumalabas na 89% ng mga lumahok sa survey ang nasisiyahan sa umiiral na demokrasya.
Eh halata naman enjoy na enjoy ang marami, mapa-lansangan, media at social media, wala na halos nakakaawat sa gustong ipahayag, ipalabas at ipakinig sa mga Pilipino. Malaya ring gumalaw ang bawat isa na tila minamaliit ang mga batas na umiiral magawa lamang ang nais!
Sa kalsada, tila dumami rin ang mga ‘kamoteng driver’ na malayang nagmamaneho ng sasakyan – hindi alintana ang batas trapiko kaya nakaka perwisyo ng kapwa driver!
Bakit? Eh malaya rin kasing kumilos ang mga fixer at ilang kalawanging kawani na nangungunsinti na magbigay ng lisensiya sa mga taong walang sapat na kaalaman at kung minsan ay hindi naman dumaan sa angkop na panuntunan.
Balikan natin ang survey. Natukoy din na dalawa sa tatlong indibiduwal ang nagsabing mas gusto nila ang demokrasya kumpara sa ibang uri ng pamahalaan dahil lumitaw na mas mataas ng 11 puntos kumpara sa 78% noong April 2021, at mas mataas ng 3 puntos sa nakaraang rekord na 86% noong September 2016.
Mas malalaking numero pa ang lumitaw kung pag-uusapan ang satisfaction sa pag-iral ng demokrasya sa Pilipinas kumpara sa 70% noong September 1992, 70% noong July 1998, 69% noong September 2010.
Samantala, halos 60% ng mga Pilipino ang pabor sa democratic government, 26% sa authoritarian government at 15% ang nagsabing hindi mahalaga kung democratic o non-democratic regime.
Masarap naman talagang tumira sa isang bansang malaya at may demokrasya, pero ang sobrang demokrasya ay mapanganib at may kaakibat na disgrasya.
* * *
Binabati natin ang matagumpay na launching ng “Ugnayan ng Kabataan” ng Integrated Inarawan Liga at Barkadahan Youth Organization o mas kilala bilang Team I LAB YOU.
Ito ay kinapapalooban ng masasayang aktibidad gaya ng kantahan at sayawan na may pa premyo, mobile library at iba pang serbisyo publiko na iikot sa ibat-ibang komunidad para sa kapakanan ng mga kapwa nila kabataan. Congratulations Team I LAB YOU!